Mga Benepisyo Mula sa Malunggay


Isa ang malunggay sa kilalang pinaka-hitik sa benepisyo para sa katawan o kalusugan ng pamilya. Mayaman sa bitamina at sustansiya ang dahon ng malunggay (kilala rin sa tawag na moringa), lalo para sa mga bata, at pati na rin sa mga mommy. Marami nang gumagamit nito para sa mga gamot, pati sa mga ulam. Hindi gaanong kilala o sikat ang gulay na ito, lalo na sa mga bansa sa Kanluran, pero sa Pilipinas, nagsimula nang malaman ng mga nutritionist, doktor at mga paaralan ang mga benepisyo ng malunggay. Isa na itong itinutuing na “superfood” ngayon.
Ang Malunggay o Moringa Oleifera ay isang tropical tree na karaniwang tumutubo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ito ay kilalang Moringa, ben-oil tree, clarifier tree o drumstick tree sa Amerika at mga bansa sa Kanluran, La Mu sa China, Shevaga sa Marathi at Sajina naman sa India. Tinuturing na miracle tree ito dahil sa dami na nga ng nagagamot nito bilang sangkap s mga herbal medicine, at naitutulong nito sa kalusugan ng mga bata at mga kababaihan, kapag isinahog sa ulam.
Narito ang mga pangunahing benepisyo ng malunggay sa mga bata at mga ina.

1. Nakapagpapalakas ng katawan.

Dahil sa hitik ito sa vitamins at sustansiya, nakakapaglalakas ito ng katawan lalo sa mga bata, na kailangang ng source of energy dahil sa pagiging aktibo ng mga ito. Mayron itong taglay na protein na doble pa sa gatas, potassium na higit pa sa makukuha sa saging, Vitamin A na higit pa kaysa sa carrots, at Vitamin C na pitong beses pang higit kaysa sa oranges. Kaya naman nkakatulong itong magpatibay ng immune system at labanan ang mga common bacteria.

Mayaman din ito sa calcium, kaya’t rekumendado na kainin o higupin ang sabaw nito ng mga nanay na nagpapasuso ng kanilang sanggol, para mas maging hitik sa bitamina ang gatas ng ina.

2. Mayron itong medicinal properties na nakakatulong sa paggamot ng diabetes at sakit ng ulo, at iba pa.

Mabisa itong nakakagamot sa sakit ng ulo, migraine, at kahit ano pang sakit ng katawan. Napatunayan na rin ang malaking tu long ng malunggay sa pagpapa-normal ng blood sugar, kaya’t nakakatulong sa diabetes. Nilalabanan din nito ang intestinal worms o bulate sa mga bata, lagnat, at hika.

3. Nakakatulong sa Metabolism.

Habang lumalaki, mabilis at aktibo ang metabolism ng mga bata. Pero kapag nagkasakit, nawawalan ng gana at humihina ang metabolism, kaya’t nakakatulong ang pagkain ng malunggay dahil sa taglay nitong sustansiya. Mabisang pampagana at pantunaw ang malunggay, dahil na rin sa taglay nitong fiber, kaya’t makakatulong sa pagbigat ng timbang at paglaki o pagtangkad. Mayaman din ito sa fiber at amino acid kaya’t napapatibay ang cell development ng isang bata, habang nakakatulong din sa anumang digestive problem tulad ng hyperacidity at ulcer.

Kung gusto namang mabawasan ang timbang lalo na pagkapanganak, malunggay din ang dapat isahog sa kinakain dahil sa hitik ito sa fiber. Ang mabilis na metabolism kasi ay makakatulong sa pagtunaw ng mga hindi kailangang fats o taba sa katawan.

4. Masisiguro ang kalusugan ng atay at kidney.

Mayron din kasing detoxifying potential ang dahon ng malunggay, kaya’t nakatutulong ito sa atay at kidney natin. Lalo na kung mahilig pang kumain ng mga pagkain maalat at mga junk food, malunggay ang tumutulong sa ma-detoxify ang ating katawan.

5. Mabisang panlaban sa impeksiyon.

Kilala rin ang dahong ito sa taglay nitong anti-inflammatory properties, lalo na sa powder form. Mabisang panlaban o panggamot sa ubo at sipon, at iba pang minor na impeksiyon sa sistema. Pati na rin ang pagpapahupa ng sakit at maga ng mga joints at tendons.

6. Protektado ang mga mata.

Palagi bang nakatutok at nakatitig sa electronic gadgets, computer o TV ang inyong mga anak? Ito ang pangunahing nakakasira ng mga mata o paningin. Mayaman ang malunggay sa Vitamin A, kaya’t siguradong makakatulong ito kalusugan ng mga mata. Ang ginagawa ng iba ay pinapakuluan ang dahon at iniinom na parang tsaa.

7. Nakakatulong sa paggaling ng mga sugat.

Likas ang kakulitan at kalikutan ng mga bata, kaya karaniwang nasusugatan o nagkakapasa ang mga ito. Subukang gumamit ng malunggay powder sa mga sugat, para mas madaling gumaling ito. May mga nagtatapal din ng pinakuluang dahon nito, sa mga sugat, pasa, rashes at iba pang skin irritation dahil epektibo din itong gamot. Mayaman kasi sa vitamin A, C at E ang malunggay kaya’t nakakatulong ito sa kalusugan ng ating balat. Ito kasi ay may anti-bacterial at anti-fungal properties.

Mapapansin din ang kagandahan ng kutis kapag madalas kumakain nito. Ginagawa itong paste para ipahid sa balat. Di na kailangang gumastos si Mommy para sa mamahaling skin care products. Dikdikin lang hanggang maging paste o cream, at ihilamos sa mukha o ipahid sa katawan, lalo sa mga tuhod at siko.

8. Pati mood swings, napapawi o nababawasan dahil sa malunggay.

Bata man o si Mommy na bagong panganak, minsan ay moody o paiba-iba ang nararamdamang emosiyonal. Ayon sa mga scientists, malaki ang natutulong ng pagkain ng malunggay para maibsan ang mood swings at anxiety ng isang tao.

9. Nakakapagpaganda ng buhok.

Mayaman din ito sa mga bitamina at amino acids na nakakatulong sa pagkakaron ng keratin protein, na isang pangunahing bahagi ng pagkakaron ng malusog at magandang buhok, at mabilis na paghaba at pagtubo nito. Dagdag pa dito ang mabisang panlaban nito sa pagkakaron ng balakubak, lalo sa mga bata.

10. Mabisang antioxidant.

Antioxidants ang ailangan para labanan ang cancer. HItik sa antioxidant ang gulay na ito, kaya’t kung sasabayan pa ng healthy lifestyle at regulr na ehersisyo, protektado din tayo sa cancer.

11. Para sa mga mag-asawang nagpaplanong magkaanak, mabisa din ito sa para reproductive health.

Mayron din itong taglay na aphrodisiac properties para makatulong sa libido at pampagana sa pagtatalik. Nakakatulong din ito na mapadami ang sperm count sa pangmatagalang panahon na pagkain nito.

Sadyang “versatile” at napakaraming benepisyo ang malunggay. Ang sikreto lang ay ang matutong magluto ng may kasamang dahon nito, o malaman ang iba’t ibang paraan ng paggamit nito, dinikdik man, pinakuluan o ginawang powder o tablet form. Kaya’t huwag nang magdalawang isip at ipakilala na ito sa buong pamilya, lalo na sa mga bata.

Isang babala: Kung gagamit ng powder form, siguraduhing organic ito. Magtanong sa doktor bago uminom o magpainom ng anumang tableta o powder form ng malunggay na nabili sa iba, at hindi nanggaling sa sariling kusina o bakuran. Dahon, prutas at buto lamang ng malunggay ang ligtas kainin ng mga bata. Huwag magpapakain ng ugat nito. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Serpentina at Ang mga Benepisyo nito

Dahon Ng bayabas

Bayabas Gamot din sa sugat